Abante Tonite
Mabilis sa Balita

14 BOC exec markado sa korapsiyon

0 98

Ni Nancy Carvajal

Binansagan nang `death list’ ngayon ang isang memorandum kung saan nakalista ang 14 senior official ng Bureau of Customs (BOC) na iniimbestigahan dahil sa umano’y katiwalian, kasunod ng pagpaslang kay Eudes Nerpio at tangkang pagpatay kay Melvin Tan na kapwa kabilang sa nasabing listahan.

Nakapaloob ang mga pangalan sa isang pahinang liham na may petsang Disyembre 15, 2021 na pirmado ni BOC Deputy Commissioner at Intelligence Chief Raniel T. Ramiro, kung saan hinihiling sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang mga nasabing BOC ranking official hinggil sa umano’y korapsiyon.

“May I reiterate the request to investigate the allegation and to assist the Bureau in its fight against corruption,” banggit ni Ramiro sa kanyang letter request.

Magugunitang si Tan, na isang Chief Customs Operation Officer V at nangunguna diumano sa nasabing listahan, ay nakaligtas sa tangkang pagpaslang sa kanya bago mag-Pasko, o ilang araw lang matapos ilabas ang listahan, saad ng isang BOC insider sa Abante Tonite.

“There was a news blackout on Tan’s incident. The rest of the names on the list — now considered a death list — now fear for their lives. Natatakot sila na sila na ang kasunod,” lahad pa ng insider.

Si Nerpio naman, na Chief Appraiser ng Section 1B, Formal Entry Division sa Manila International Container Port (MICP) at pangalawa diumano sa listahan ay matatandaang binaril at napatay noong Enero 7, 2021 ng gabi sa Binondo, Maynila. Hindi naman dinamay sa pamamaril ang isang babae na kasama niya sa kotse.

Ayon sa insider, ang nasabing BOC list ay kinuha mula sa isang liham na inendorso ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) noong Nobyembre kay BOC Commissioner Leonardo Guerrero sa hinala ng katiwalian.

“It’s hard to say who is doing the purging or if the accusations were even true,” dagdag pa ng insider.

Kabilang pa umano sa listahan ang isang isang attorney II, pitong Customs operation officer, isang intelligence agent 2, isang assistant Customs operation Officer, isang special agent 1, at sa number 14 ay isang security guard 2.

Matatandaang noong Nobyembre 2016, binaril din at napatay si BOC deputy commissioner Arturo Lachica sa Maynila ng hindi pa tukoy na mga suspek na sakay ng motorsiklo. Hindi pa nareresolba ang pagpatay sa kanya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.