Abante Tonite Interactive

14 kompanya hinahabol ng PSALM sa 1.93B utang

257

Hinahabol ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp. ang 14 na kompanya na binaon na sa limot ang kanilang kabuuang utang na P1.93 bilyon.

Kasama sa mga hinahabol ng PSALM ang Canlubang Sugar Estates na pinamumunuan ni Jose Ramon Yulo bilang presidente at ang chairman nitong si Jose Quiros. Nabatid na 10 taon na umano ito hindi nagbabayad at umabot na sa P517.6 mil­yon ang utang.

Ayon sa Department of Finance, pinadalhan na nina PSALM president at chief executive officer Irene Besido Garcia at PSALM vice president for finance Lourdes Alzona ang mga nasabing kompanya ng sulat kung saan pinababayaran nila ang utang ng mga ito sa loob ng 10 araw pagkatanggap nila ng liham.

Ayon kay Garcia, kung hindi babayaran ang utang ay gagamitin ng PSALM ang mga ligal na hakbang para masigurong mababayaran nila ang kanilang mga obligasyon dahil matagal nang nakakalusot ang mga ito at nadedehado nang sobra ang PSALM at ang pamahalaan.

Ang may pinakamalaking utang ay ang NPC Alliance Corp. na isang polyethylene plant sa Mari­veles, Bataan. Nabatid na may utang ito na P611.4 milyon na 10 taon nang dinededma. Ang liham ay ipinadala sa president and CEO nito na si Amir Hatami Ramsheh at sa treasurer na si Homayoon Izadi.

Hinahabol din ng PSALM ang Abra Electric Cooperative na umabot na sa P505.3 milyon ang utang sa loob ng tatlong taon at ang Philippine Economic Zone Authority-Mactan Economic Zone sa Cebu na P74.93 milyon ang utang na inipon sa walong taon. (Eileen Mencias)