Abante Tonite Interactive

14 komunista sa Bilibid pinalaya ni Digong

95

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ­ginawang pagpapalaya sa 14 sentensiyadong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa New Bilibid Prison.

“I just released about 14 prisoners from Bilibid, iyong mga komunista na convicted na,” paghahayag ni Duterte nang magtalumpati sa Filipino community sa Hong Kong kagabi bago ito lumipad patungong China para sa dalawang araw na pagbisita.

Ginawa ng Pangulo ang anunsyo sa mga pinalayang rebeldeng NPA bago ipakilala ang mga makakaliwang miyembro ng kanyang gabinete na kinabibilangan nina Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at National Anti-Poverty Commission chair Secretary Liza Maza.

“We’re talking to the NPAs,” giit ni Duterte.

Inamin din ng Pangulo na nahihirapan siyang makipag-usap sa mga komunista pero hindi ­naman, aniya, imposibleng magkaayos.

Samantala, hindi pa inilalabas ng Malacañang ang mga detalye at pa­ngalan ng mga pinalayang komunista.