Abante Tonite Interactive

140 P2P lalarga ngayong Holy Week

267

Aabot sa 140 Point-to-Point (P2P) buses ang ibabiyahe ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) ngayong Holy Week kapalit ng pagsuspinde ng biyahe ng tren dahil sa taunang maintenance.

Base sa anunsiyo ng DOTr-MRT3 sa kanilang social media accounts kahapon ng umaga, ide-dep­loy nila ang mga naturang P2P buses mula Abril 15, Lunes Santo, hanggang Abril 17, Miyerkoles Santo, at mula Abril 20, Sabado de Gloria, hanggang Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).

Ayon sa DOTr, layunin ng deployment ng mga naturang behikulo na matulungan ang mga suki nilang pasahero na maaapektuhan ng taunang Holy Week maintenance shutdown ng MRT-3.

Ang mga nasabing bus ay magsasakay at magbababa sa lahat ng istasyon (Northbound man o Southbound) ng MRT-3 mula alas-singko nang madaling-araw hanggang alas-nuwebe nang gabi.

Wala namang dapat ikabahala ang mga pasahero dahil nilinaw ng DOTr na ang magiging pa­sahe nila sa P2P bus ay katulad rin ng pasaheng ibinabayad nila sa MRT-3.

“Sa darating na April 15-17 at April 20-21, may kabuuang bilang na 140 P2P buses ang bibiyahe kada araw upang tulungan ang aming mga suking pasaherong apektado ng taunang Holy Week MRT-3 maintenance shutdown,” bahagi ng anunsiyo ng DOTr-MRT3. (Edwin Balasa)