Abante Tonite Interactive

142 Pinoy binabantayan sa Congo ebola outbreak

220

Nananatiling naka-monitor ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa sitwasyon sa Democratic Republic of the Congo (DR Congo) kasunod ng pagtaas ng ebola outbreak sa kasaysayan kung saan umabot na sa 360 katao ang nasawi.

Ayon sa DFA, wala namang Pilipinong napaulat na nahawa sa naturang sakit. Ito’y batay na rin sa impormasyon mula sa Philippine Embassy na nasa jurisdiction ng Nairobi, sa DR Congo.

Ayon kay Chargé d’Affaires Francis Maynard Maleon ang Philippine Embassy, nakikipag-ugnayan na sila sa tinata­yang 142 miyembro ng Filipino Community sa nasabing bansa.

Sinabi pa ni Maleon na nauna nang naiulat na nagsimula ang ebola outbreak sa buwan ng Agosto kung saan kumalat ito sa lungsod ng Butembo kung saan umabot na sa 600 na kaso ang natu­rang sakit.

Aniya, ang World Health Organization (WHO) ay nakikipagtulungan na sa mga opisyal ng gobyerno hinggil dito.

Ayon sa World Health Organization, nagkakaroon ng lagnat, matinding sakit ng ulo at pagdurugo kapag kinapitan ng Ebola virus.

Dahil dito pinayuhan naman ng DFA ang mga Pinoy na nasa Congo na pagdating sa emergency na sitwasyon na mangangailangan ng tulong ay tumawag lamang sa Philippine Embassy sa numerong (+254) 739310048.