Abante Tonite Interactive

15 bulok na ulo ng baboy bumulaga sa Parañaque

0 207

Nasa 15 na umano’y nabubulok na mga ulo ng baboy ang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Parañaque City kahapon nang umaga.

Ayon kay Ding Soriano, City Administrator ng Parañaque City, nakita ng isang babaeng street sweeper dakong alas-7:00 nang umaga sa may Saulog Transit Bus Terminal sa Quirino Ave., Brgy. San Dionisio, ang nasabing mga ulo na nakapatong sa isang kahoy na bangko na nakasalansan at nakasilid sa plastic bag.

Ipinalibing na lamang ng city administrator ang 14, at ang isa ay dinala ni City Veterinarian Dr. Karren Vicencio sa Department of of Agriculture para suriin kung may African Swine Fever (ASF) ang mga ito.

Sa ngayon ay inaalam ng pamahalaang lungsod ng Parañaque kung sino ang nag-iwan ng mga ulo ng baboy para makasuhan ito.

Inaalam din ng Parañaque go­vernment kung mayroon nakalagay na CCTV camera sa lugar. (Armida Rico)