Abante Tonite Interactive

15 sugarol dinampot sa ‘lamay’

By
1,218

Pinagdadampot ng mga pulis ang 15 katao na nagsusugal kahit pa nasa lamay ito ng patay, sa Valenzuela City, kahapon nang madaling-araw.

Bandang alas-2:48 nang madaling-araw nang lusubin ng mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB) at ng Police Community Precinct (PCP) 2 sa pa­ngunguna ni P/Inspector Edwin Malaay ang lamay sa patay sa Phase 2, Degula Compound, Barangay Gen. T. Deleon ng lungsod.

Unang dinampot ang siyam na kalalakihan na naglalaro ng cara y cruz at pagkatapos, dinampot ang anim na katao na naglalaro naman ng tong its.

Nangatwiran ang mga inaresto na may patay kaya sila nagsusugal, pero hindi ito umubra sa mga pulis.

Katwiran ng mga nang-raid may Executive Order si Mayor Rex Gatchalian na bawal na ang lahat ng sugal sa lungsod kahit may patay.

Nagbibigay kasi ang Valenzuela City government ng P7,000 ayuda sa pamilya ng namatayan at P9,000 naman kapag senior citizen ang namatay.

Katwiran naman ng namatayan, hindi ito sapat kaya nagpapasugal para makuha ng pandagdag para sa pagpapali­bing, lalo pa’t walang pera ang pamilya ng namayapa.