Abante Tonite Interactive

150 pamilya nasunugan sa QC, 2 sugatan

252

Sa lansangan posibleng magdiwang ng ka-Paskuhan ang may 150 pamilya matapos na tupukin ng apoy ang kanilang mga kabahayan, kung saan dalawa ang iniulat na nasugatan kahapon nang hapon sa Quezon City.

Kinilala ang dalawang nasu­gatan na sina Areen Martinez, na nagtamo ng 3rd degree burn sa katawan at Armando Delos Reyes na nasugatan naman sa tuhod.

Nabatid mula kay Quezon City Fire Marshal Jaime Ramirez, ang sunog ay nagsimula dakong ala-una nang hapon (Disyembre 9) sa lugar ng informal settlers sa Brgy. Holy Spirit, nang nasabing lungsod.

Ayon kay Ramirez, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa ‘light material’ ang mga tahanan sa nasabing barangay.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog sa 45 kabahayan na tinitirahan ng may kabuuang 150 pamilya, bago naapula dakong alas-2:30 nang hapon.

Inaalam pa ng mga fire investigator ang sanhi ng sunog at kung saan ito nagsimula.