Abante Tonite Interactive

17 Pinoy, foreigner timbog sa Makati gambling den

539

Sinalakay ng mga ope­ratiba ng pulisya ang hinihinalang gambling den sa isang condominium unit sa Brgy. San Lorenzo, Makati City kung saan 17 player ang nalambat kabilang ang ilang foreigner, Linggo ng umaga.

Ayon kay Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, simpleng opisina sa umaga ang condo unit pero pagsapit ng gabi ay isa-isa nang dumara­ting dito ang mga guest.

Kinilala ang may-ari ng unit na si Oliver Lewis y Edmilao, British-Filipino citizen, 36-anyos.

Arestado ang mga foreigner na sina Peter Northcott y Graham, 39-anyos, Canadian; Coenrad Theodore Kees y Ruijs, 25, Dutch; James Donald y Robert Fraser, 57, British; Gautam Nebhwani y Suresh, 33, Indian-Filipino.
Kabilang pa sina Timothee Grassin y Francois Elie Xavier, 33-anyos, French; Caleb Fornari y David, 31, British; Ro­bert Nordstrom y Thomas, 42, American citizen; Roy Selbach y Cornelis, 30, Dutch; Andreas Stroem, 25, Danish; at Amadeo Brands, 31, Dutch.

Arestado rin ang mga Pinoy na sina Anne Monique Javier y Jimenez, 31-anyos; Dan Martin y Andrei, 38; John Michael Bacolod y Gensaya, 27; Joseph Ruby y Anthony, 30; Sean Fang y Guison, 21; at Joseph Brillantes y Santiago, 23.

Sinalakay ito ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Makati City Police Station sa pa­ngunguna ni Capt. John Patrick Magsalos katuwang ang Makati Sub-station 5 matapos makatanggap ng tip kaugnay sa nagaganap na sugalan sa loob ng nasabing unit.

Naaktuhan ang 17 player na nagsusugal ng poker. Nakumpiska ng mga operatiba ang isang set ng playing cards, isang poker table, chips at P23,290 cash.

“Ito ay illegal kasi ang registration sa kanilang unit ay consultancy ­office,” ayon kay Simon.

Giit ng Makati Police na sinalakay ang unit batay na rin sa reklamo ng mga residente.

“It’s a private networking event and if you look at the evidence, we’re not even making any money. Look at the chips, look at the books. Why would I risk my reputation and my 117 employees?” pahayag naman ng unit owner na si Lewis. (Vick Aquino)