Abante Tonite
Mabilis sa Balita

17 pulis yari sa tinodas na mag-asawa

0 42

Sinampahan ng kasong murder ng Department of Justice (DOJ) ang 17 miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Region 4-A na nasa likod ng pagpaslang sa mag-asawang sina Ariel at Ana Mariz Lemita-Evangelista habang isinisilbi ang warrant of arrest sa dalawa sa Nasugbu, Batangas noong Marso 2021.

Nabatid kay DOJ Undersecretary Adrian Sugay na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso matapos ang ebalwasyon ng Special Investigation Team (SIT) sa ilalim ng inter-agency committee na binuo alinsunod sa Administrative Order No. 35 (AO 35).

Ang katulad na mga kaso noong Marso 7, 2021 ay isinasailalim rin sa ebalwasyon.

Tiniyak ng DOJ na sila ay “zero tolerance for impunity in the ranks of Philippine law enforcement agencies.”

“These cases represent the important ongoing collective work of the DOJ, NBI, and the AO 35 SIT which manifests the Philippine government’s commitment to hold erring law enforcement officers and personnel accountable for any excessive actions in the field,” saad pa ng ahensiya.

Nalaman na may pitong progresibo pa ang napatay ng awtoridad sa Calabarzon Region sa parehong araw na napaslang ang mag-asawang aktibista, sa araw na tinaguriang ‘Bloody Sunday’.

Nabatid na ang Inter-Agency Committee on Extra-Legal Killings, Enforced Disappearances, Torture and Other Grave Violations of the Right to Life, Liberty and Security of Persons ay nilikha sa ilalim ng AO 35 noong 2012.

Ito umano ay nagsisilbing institutional machinery ng gobyerno bilang solusyon sa hindi nareresolbang kaso ng political violence sa anyo ng extra-legal killings, enforced disappearances, torture, at iba pang paglabag sa mga karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng mga tao. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.