Abante Tonite Interactive

17 tulak arestado, P2M droga kumpiskado

201

Nasa 17 katao ang inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa magkakahiwalay na operasyon kung saan umaabot sa dalawang mil­yong piso ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga kamakalawa nang gabi sa Maynila.

Kabilang sa mga naaresto ay sina Laurence Pacultad, 30-anyos; Orlando Bautista, 39; Cristia Balao; Melissa Baga, 43; Raquel De La Rosa, 48; Erickson Aquino, 29; Edward Tolentino, 21; Aljun Lopez,21; Love Torres, 32; pawang taga-Pandacan, Maynila; Roberto Aniag, 40; Richard Mitanda, 31; Jenalyn Osi, 29; Wilson Del Rosario; ng Paco, Maynila; Aron John De la Cruz, 18, ng Sta. Mesa, Maynila at sina Basit Gubaton, 49; Cindy Gubaton, 17; Anwar Umpara, 19; kapwa taga-San Miguel, Maynila.

Nabatid sa MPD-PS 10, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang station drug enforcement team sa pangunguna ni P/Cpt Pidencio Saballo kung saan unang naaresto sina Bautista, Balao, Baga, De La Rosa, Aquino at Tolentino.

Ibinuko ng mga naaresto na may kasamahan pa sila sa isang hotel sa Mabini St., sa Malate, Maynila kaya agad na ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta ng pagkakaaresto nina Fernandez at Villanueva at nakuhanan din ng 85 gramo ng shabu.

Nadakip naman sa follow-up operation ang magkamag-anak na Gubaton at Umpara sa kahabaan ng Arlegui St., corner Globo de Oro, Quiapo Maynila kung saan nakuha sa kanila ang 200 gramo ng shabu.

Ang iba ay naaresto sa Maligaya St., Kahilum II, Pandacan, Pedro Gil cor Quirino, Paco, Mabini St., Ermita at Arlegui corner Globo de Oro, Quiapo, Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)