Abante Tonite Interactive

18 pulis sibak naaktuhang senglot, tulog

By
2,794

Labingwalong pulis kabilang ang dalawang station commander sa Muntinlupa at Pasay City ang nahuling natutulog at nag-iinuman kahit oras pa ng kanilang trabaho nang magsagawa ng sorpresang inspeksiyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde sa mga presinto sa Muntinlupa at Pasay City kahapon ng hatinggabi.

Pasado alas-12:00 ng hatinggabi nang dumating si Albayalde sa Police Community Precinct 4 sa Brgy. Sucat, Muntinlupa City at dinatnan na nag-iinuman sa likod ng himpilan ang commander nito na si Senior Inspector Mark Oyad at ang tatlong tauhan na sina PO2 Michael Del Monte, PO2 George Guay Jr., at PO1 Jocyleen Montero.

Hindi na nakapalag ang apat na pulis nang maaktuhan sila ni Albayalde habang tumatagay kahit naka-duty.

Abante Hiring – IT dep

“Dati ang kanilang nirereklamo ay maliit na suweldo ngayong dinoble na ng ating Pangulong Duterte ay kinakailangan ibigay ang tunay na pagseserbisyo sa atin mga kababayan,” pahayag ni Albayalde.

Sinabi pa ni Albayalde na kailangan na may gagawing hakbang sa mga maling gawain ng mga pulis.

“Ngayon araw mismo ay kailangan mag-report sila sa aking tanggapan at kailangan disiplinahin,” dagdag pa ng opisyal.

Agad namang tinanggal sa puwesto ni Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa Police, ang apat na pulis at itinalaga muna sa headquarters.

Katuwiran umano ni Oyad na kaarawan ng isa niyang tauhan kaya may konting kainan at inuman sa kanilang presinto.

Makalipas ang ilang oras, binisita din ni Albayalde ang Police Community Precinct 8 ng Pasay City Police at naabutan namang natutulog ang mga naka-duty na pulis kabilang ang kanilang hepe na si Senior Inspector Ferdinand Duren at ang 13 tauhan nito.

Maging ang station commander ng presinto sa Malibay na si Senior Inspector John Glenn Siguan ay naabutan din ni Albayalde na natutulog sa loob ng opisina nito pero hindi pa kaagad ito sinibak at isasailalim pa umano sa deliberasyon.

Sinabi pa ni Albayalde na hindi lamang pagkasibak sa kanilang trabaho ang kakaharapin ng mga pulis na nahuli niyang natutulog at nag-iinuman sa presinto kundi mahaharap din ang mga ito sa kasong administratibo. (Armida Rico)