Abante Tonite Interactive

18 tulak, 6 wanted nalambat sa police ops

198

Laglag sa kamay ng mga awtoridad ang 18 katao na sangkot sa operasyon ng iligal na droga, gayundin ang anim na wanted sa ginawang operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.

Sa ulat ng pulisya, kabilang sa nasakoteng drug pusher ay si Amalia Valenzue­la alyas ‘Apple’, 41, na kabilang sa drug watchlist at tinaguriang shabu queen ng Brgy. Turo, Bocaue.

Nabatid kay Police Lt. Col. Rizalino Andaya, Chief of Police ng Bocaue police Station, alas-sais ng gabi nang magsagawa sila ng buy-bust operation at tinarget si Valenzuela na nakumpiskahan ng hinihinalang shabu at buy-bust money.

Nadakip naman ang 17 iba pang tulak sa bayan ng Balagtas, San Jose del Monte City at Baliwag at umabot sa 39 pakete ng shabu, mga paraphernalia at marked money ang nakumpiska at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Dala ang mga warrant of arrest, anim na wanted at nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal ang nasakote ng pulisya sa bayan ng Bocaue, Obando, San Rafael at San Miguel. (Jun Borlongan)