Abante Tonite Interactive

19-anyos inaresto sa nakaw na motorsiklo

326

Isang 19-anyos na first year college student ang inaresto dahil sa motorsiklong ginagamit bilang service pagpasok sa kanilang eskuwelahan na nakaw pala sa Indang, Cavite kamakalawa ng hapon.

Nakakulong ngayon sa Indang Custodial Center ang suspek na si John Joseph Ramos Timajo ng Brgy. Tua, Magallanes, Cavite.

Ayon kay Major Mark Jason Gatdula, hepe ng Indang Municipal Police Station, isang ‘One Time Big Time’ operation ang ikinasa ng kanyang mga tauhan sa ilang lugar sa kanilang bayan dakong alas-3:25 kamakalawa ng hapon kung saan pinara ang sinasakyang Yamaha Mio (7112 WN) ng suspek dahil sa walang helmet at naka-tsinelas ito sa junction ng Cavite State University-Indang Campus.

Aniya, walang maipakitang ­lisensiya at dokumento ng ­sasakyan si Timajo at nang kanilang iberipika ang nasabing motorsiklo ay nalaman na nakaalarma ito.

Idinahilan ng suspek na binili niya ito sa halagang P5,000 upang gamitin na service sa pagpasok, gayunman tumangging pangalanan kung kanino nito binili.

Base sa record, noong Nobyembre 29, 2011 nang ma-carnap umano ang nasabing sasakyan na nakapangalan sa isang Girlie V. Valenzuela.

Ayon kay Gatdula, nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa pagkakakilanlan sa nagbenta ng motorsiklo na pinaghihinalaang isang grupo ito na nagbebenta ng murang halaga ng nakaw na ­motorsiklo. (Gene Adsuara)