Abante Tonite Interactive

190K naiwan sa NAIA CR, naisoli sa OFW

By
1,878

Hindi na umaasa ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Japan na maisasauli pa ang naiwan niyang 19 Japanese Yen o katumbas ng P190,000 sa loob ng comfort room ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Nobyembre 12, 2017.

Halos kalahating taon na ang nakalipas nang sumakay sa Philippine Airlines (PAL) flight mula sa Japan si Marilyn Vallada, isang entertainer, at inakala niya na nadukutan siya sa loob ng sinakyang bus pauwi sa kanilang probinsya sa Nueva Ecija.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ni Vallada nang maisauli sa Lost and Found Section ng Airport Police ang nawalang pera.

Ayon kay Vallada, pagdating niya noong Nobyembre 12, 2017 sa NAIA galing Japan ay gumamit muna siya ng comfort room bago lumabas sa Terminal 2.

Nadiskubre niya na wala na ang kanyang pitaka na naglalaman ng nasabing pera pagda­ting sa kanilang bahay sa Nueva Ecija.

Naisauli ang pera kay Vallada dahil may nakitang boarding pass ng PAL na nakaipit sa pitaka niya kaya nagkaroon ng ideya ang mga taga-Lost and Found Section na tawagan ang PAL.

Naberipika na may pasaherong Vallada sa record ng PAL at nabatid pa na mayroon itong telephone number.
Kahapon nakatanggap si Vallada ng tawag mula sa mga tauhan ni NAIA Assistant General Manager Arnulfo Junio at ipinagbigay-alam na nakita ang kanyang pitaka na naglalaman ng pera.

Nabatid na ire-remit na sana sa pondo ng Manila International Airport Authoroty ang nasabing pera dahil wala namang nag-claim pero nang mag-imbestiga ang Lost and Found Section sa PAL ay nakuha ang contact number ni Vallada kaya tinawagan ito.

Ayon kay Junio, bago nila ibigay sa MIAA fund ay nagsasagawa sila ng masusing pag-iimbestiga upang maibalik ang pera sa mismong may-ari nito.