Abante Tonite Interactive

2 adik arestado habang bumabatak sa truck

440

Huli ang dalawang lalaki habang nasa aktong sumisinghot ng shabu sa loob ng cargo truck sa isang farm sa Brgy. Salvacion, Rosales, Pangasinan noong Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ng Rosales Police Station ang mga suspek na sina Mark Jonel M. Cariaga alyas `Jeb’, 26, driver, ng Brgy. Balite, Tarlac City at Adrian G. Hagunos alyas `Ryan’, 26, truck helper, ng Sta. Maria, Bulacan.

Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:50 ng madaling-araw kung saan nakatanggap umano ng tawag sa telepono ang Rosales Police Station at isinusumbong ang dalawang puli na nagtatago sa nasabing cargo truck upang hindi mahuli sa isinasagawang curfew dahil sa coronavirus disease 2019.

Sinabi pa umano ng impormante na bukod sa pagtatago, bumabatak din ng shabu ang dalawang suspek.

Agad ikinasa ng mga pulis ang anti-illegal drug operation kung kaya’t nasakote ang mga suspek sa aktong tumitira ng shabu sa loob ng truck na nakaparada sa bisinidad ng isang farm sa Brgy. Salvacion.

Nakumpiska mula sa mga suspek ay isang sachet ng pinaghihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Dinala sila sa Rosales Police Station at sasampahan ng kaso. (Allan Bergonia)