Abante Tonite Interactive

2 adik suspek sa piantay na new graduate

By
466

Dalawang drug addict ang suspek ng Bacoor City Police sa karumal-dumal na pagpatay sa isang 20-anyos na dalaga na bagong graduate sa kolehiyo noong Biyernes ng madaling-araw sa loob ng isang townhouse sa nasabing lungsod.

Ayon kay SPO1 Michael Legaspi, may hawak ng kaso, nasa area lamang nila nakatira ang dalawang suspek na hinihinalang bangag sa droga nang isagawa ang pagpatay sa biktimang si Shanmaine Teologo Pestaño.

Nabatid na nagtapos ng financial ma­nagement sa Occidental Mindoro ang biktima pero lumipat ito sa ­Bacoor para maghanap ng trabaho.

Abante Hiring – IT dep

Ayon kay Legaspi, nakilala ng 8-anyos na pamangkin ng biktima ang isa sa dalawang ­suspek dahil wala umano itong anumang suot na takip sa mukha.

Tumutugma rin ani­ya sa salaysay ng mga testigo ang pagkaka­kilanlan sa mga suspek sa deskripsiyon ng pamangkin ng biktima.

Dakong ala-una ng madaling-araw umano nang isagawa ang pagpatay.

Itinaon umano ng mga suspek na umaambon nang mga oras na iyon nang magtungo sa townhouse unit ng biktima. Nakapasok sa bahay ang pangunahing suspek sa pamamagitan ng paglagare sa grills ng bintana sa banyo habang nagsilbing bantay sa labas ang kasama nito.

Nagising umano ang biktima dahilan upang pagsasaksakin ito nang 27 beses sa iba’t ibang parte ng katawan gamit ang isang kutsilyo.

Isinugod pa sa Southeast Asian Medical Center pero namatay din ito kinabukasan.

Dagdag pa ni Legaspi na kaibigan umano ng tiyahin ng biktima ang isa sa dalawang suspek.

Pagnanakaw umano ang motibo sa pagpatay kung saan umabot sa P30,000 halaga ng cash at mga gamit ang natangay ng mga suspek.