Abante Tonite Interactive

2 anak ni Napoles, nagpa-discount sa Sandiganbayan

By
47

Humiling ng diskwento sa Sandiganbayan Third Division ang dalawang anak ng binansagang ‘pork barrel scam queen’ Janet Napoles, sa piyansa sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Sina Jo Christine at James Christopher Napoles ay kapwa kinasuhan ng 97 counts ng graft at malversation of public funds through falsification of public documents tungkol sa Malampaya­ fund scam at sila ay pinagpipiyansa ng tig-P22.3 milyon ng korte.

Batay sa mosyon ng dalawang anak ni Janet na inihain sa Sandiganbayan, tumawad sila na gawing tig-P690,000 na lang ang kanilang piyansa, mas mababa ng 96.9 na porsyento kaysa sa itinakda ng korte.

Giit nila, sa ilalim ng Section 9, Rule 114 ng Rules of Court, na­rarapat na ikonsidera ng Sandiganbayan ang kanilang kakayahan sa pagbabayad ng piyansa.

Maliban dito, dapat anilang ituring sila ng Sandigan na inosente sila sa mga kaso.

Subalit tinutulan ng prosekusyon ang hinihinging diskwento­ ng dalawa dahil kailangan umanong mapatunayan muna ng mga Napoles na wala silang kakayahan na magbayad ng halagang P22.3 milyon.

Giit ng Sandiganbayan, maari naman umanong maghain ng piyansa tulad ng corporate surety, property bond, o cash depo­sit.

Nabatid na kasamang naghain ng mosyon ng magkapatid na Napoles ang kanilang tiyuhin at kapwa akusadong si Ronald Francisco Lim.

Sa kaso ng magkapatid na Napoles ay isinangkot din sina dating budget chief at ngayo’y Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. at dating Agra­rian Reform secretary na ngayo’y Masui City, Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y paglaan ng ‘royalties’ mula sa Malampaya gas fields sa Palawan patungo sa mga non-government organization ng nakatatandang Napoles, subalit sa mga ghost project lamang napunta ang P900 milyon­ mula sa Malampaya fund, na inilaan sa mga biktima ng pagbaha sa Luzon noong 2009.