Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 anak tinodas ni tatay, misis nakabigti

0 241

Sa labis na depresyon dahil sa kawalan ng trabaho ngayong pandemya, sumuko umano ang katinuan ng isip ng isang lalaki at binigti ang kanyang asawa at dalawang paslit na anak pero nabigo itong kitilin ang sariling buhay matapos ang krimen sa araw ng Pasko sa Taguig City.

Nahaharap ngayon sa dalawang bilang ng parricide ang suspek na si Aiko Siancunco, 29, dating call center agent at taga-20 Kamias St., North Signal, Taguig City.

Sinabi ni Taguig City Police chief P/Colonel Celso Rodriguez, posibleng maging tatlong bilang ng parricide ang isampa sa suspek pag napatunayang ito rin ang nagbigti sa misis niyang si Carina, 23, dati ring call center agent.

Natuklasan ang pagpatay ng suspek sa kanyang mga anak na sina Akira; 3 at Kion, isang taon, alas-7:30 ng umaga matapos sumuko sa Taguig City Police substation 6 at ipinagtapat ang ginawang krimen.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sinabi rin ni Siancunco na tinangka niyang kitilin ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti pero napatid umano ang lubid. Uminom din umano siya ng bleaching solution na Zonrox pero hindi rin siya tinablan.

Bisperas ng Pasko nang kunin ng mga awtoridad ang bangkay ni Carina matapos sabihin ng suspek na nagbigti ito.

Gayunman, sinabi ni Rodriguez na duda sila sa pahayag ng suspek dahil may hinala sila na pinatay din ng suspek ang asawa. Duda rin ang pamilya ni Carina na nagpakamatay ito dahil hindi nito sulat kamay ang ipinost nitong suicide note sa Facebook.

Nabatid na parehong nawalan ng trabaho ang mag-asawa dahil sa pandemya. Mula noon ay madalas na umanong mag-away ang mag-asawa dahil walang maipantustos sa pamilya. (Mia B. Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.