Abante Tonite Interactive

2-anyos anak pinatagay, pinagyosi ng ina n’ya

586

Nasagip ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang taong gulang na batang lalaki sa kamay ng lasinggerang ina matapos nitong painumin ng alak at subuan pa ng sigarilyo ang kanyang anak, sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches Quezon City Lunes nang umaga.

Ayon kay Quezon City Police District director Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., dakong alas-8:30 ng umaga nang arestuhin nila ang nanay ng paslit na nakilalang Gina Bina Terco, 25-anyos.

Bago inaresto si Terco ay nagtu­ngo umano sa kanilang himpilan ang ama ng bata makaraang matuklasan na nitong nakaraang araw habang wala siya sa kanilang bahay ay pinainom ng alak ng kanyang misis ang kanilang anak na paslit at kinunan pa ng video sa cellphone nito.

Aniya, batay sa napanood niya sa video na may petsang Hunyo 3, nasa loob ng isang apartelle sa P. Tuazon St., Cubao ang kanyang misis at isang kaibigan nito kung saan pilit na pinaiinom ng alak at sinasaksakan ng sigarilyo sa bibig ang kanilang anak.

Nakakulong ngayon ang nanay ng bata sa Novaliches Police Station 4 habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya na paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Dinala naman ang bata sa Social Services and Development Department ng Quezon City.

“Nakakalungkot ang ganitong pangyayari na kung sino pa ang inaasahan ng isang bata na ma­ngalaga at magtatangol ay siya pa ang umaabuso sa kanyang kahinaan,” pahayag ni Esquivel. (Dolly ­Cabreza)