Abante Tonite Interactive

2-anyos nilublob, kinulong sa drum

261

Patay na nang matagpuan ang 2-anyos na batang lalaki na nakalagay sa isang drum na may tubig sa isang boarding house malapit sa kanilang bahay Miyerkoles nang gabi sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon kay Police Corporal Jackilou Malagamba, hepe ng Womens and Childrens Desk ng Tagoloan Municipal Police Station, posibleng sinadya ang insidente dahil sa may nakitang sugat sa ulo ng biktimang si Renz Gubat, taga-Barangay Casinglot ng nabatid na bayan at naka-lock pa ang takip ng drum nang madiskubre ang bangkay ng bata sa loob nito.

Napag-alaman na nadiskubre ang bangkay ng biktima pasado alas-siyete ng gabi nang kumuha ng tubig ang isa sa kapitbahay na nakilalang si Aries upang gamitin sana sa banyo.

Subalit laking gimbal nito nang makita ang biktima sa loob na wala ng malay.

Sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit dead-on-arrival na ito.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, posibleng may foul play sa pagkamatay ng bata dahil kung aksidente umano itong nahulog sa container ay una dapat ang ulo pero sa puwesto ng bangkay ng bata ay nakatihaya ito.

Huli umanong nakita ang biktima noong Miyerkoles na nakikipaglaro sa nakakatandang kapatid nu’ng maghahapunan na ang pamilya ay hindi na nila ito nakasamang kumain.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang responsable sa krimen. (Edwin ­Balasa)