Abante Tonite Interactive

2 babae hinoldap kahit nakakotse

0 369

Arestado ang tatlong security guard na sinasabing nangholdap ng dalawang babae at inagaw ang mga mamahaling cellphone habang sakay ng kanilang kotse kahapon nang madaling-araw sa Las Piñas City.

Kinilala ni Police Col. Simran Gran, hepe ng Las Piñas City Police ang tatlong suspek na sina Christopher Omotoy, 29-an­yos, Jayson Rodriguez, 33, at Bernie Apille, 37, pawang security guard ng Taurus 57 Security Agency.

Sa ulat ni Gran, ala-1:20 nang madaling-araw nang maganap ang insidente.

Habang sakay ng kanilang kotse ang mga biktimang sina Esperanza Sierra, 49, at Jean Ignacio, 60, ng Mambugan, Antipolo City nang lapitan ng tatlong suspek at tinutukan ng baril bago sapilitang inagaw ang kanilang mga cellphone.

Kaagad na humingi ng tulong sa pulisya ang mga biktima at agad na nagsagawa ng follow-up operation kaya nasakote ang tatlo suspek kung saan nabawi rin ang mga ninakaw na gamit.

Ang tatlong suspek ay nakakulong ngayon sa detention cell ng Las Piñas City Police. (Armida Rico)