Abante Tonite Interactive

2 babaeng nakamotor hinarang, kinatay

237

Brutal na kamatayan ang sinapit ng dalawang babae matapos silang harangin ng hindi pa kilalang mga suspek at pagtatagain sa Barangay San Isidro, Castilla, Sorsogon Martes ng umaga.

Alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktimang sina Jolina Jesalva, 17, saleslady, at Joana Gonzales, 34, kapwa taga-Barangay San Isidro ng bayang ito.

Sa ulat ni Police Maj. Jerry Cereno, Public Information Chief ng Police Community Affairs and Development Branch ng Sorsogon PNP, isang concerned citizen umano ang tumawag sa kanilang himpilan hinggil sa pagkakatagpo ng mga bangkay ng biktima na tadtad ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at inabandona sa kahabaan ng Brgy. San Isidro ng nabatid na bayan.

Sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang mga biktima nang harangin ang mga ito ng hindi pa kilalang mga suspek at walang awang pinagtataga.

Matapos mapatay ay tinangay ng mga suspek ang motorsiklo ng mga biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng mga suspek sa krimen. (Edwin Balasa)