Abante Tonite Interactive

2 babaeng supplier ng droga sa Alabang timbog

0 192

Nasamsam ang umaabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu sa dalawang babae na sinasabing wholesaler ng droga at karaniwang mga parokyano ay mga taga-Alabang sa buy-bust ng Anti-narcotic operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) sa Quezon City, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Director Joel Plaza, Regional Director ng PDEA RO-NCR, ang naaresto ay sina Antonieta Cañete Pepito, 49, ng Muntinlupa City at Judith Lugay Amansec, ng Caloocan City.

Ang dalawa na sinasabing notoryus drug dealer ay nadakip ng mga operatiba ng PDEA RO-NCR Quezon City District Office, Northern District Office at Regional Special Enforcement Team sa koordinasyon ng Quezon City Police District Station Drug Enforcement Unit ng Masambong Police Station (PS-2) na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Rodrigo Soriano, alas-6:45 ng gabi sa may North EDSA, QC.

Inaalam pa ang natanggap na impormasyon na mula sa isang Chinese na nakapiit sa Bureau of Corrections ang pinagkukunan ng iligal na droga ng mga nadakip na suspek. (Dolly Cabreza)