Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 bangka lumubog sa Quezon, 8 nasagip

0 202

Sa kasagsagan ng bagyong ‘Dante’ nitong Miyerkoles, walo katao ang nailigtas sa paglubog ng dalawang bangka sa Quezon.

Unang nasagip sa bayan ng General Luna ang mga sakay ng motorbanca na sina Nicanor Quimora Pasion, Renato Rogelio Peñaredonda, Domingo Peñaredonda Paz, at Ferdinand Peñaredonda, mga residente ng Maniwaya Island, Sta. Cruz, Marinduque.

Patungo ang mga ito sa bayan ng General Luna sa Quezon nang hambalusin ng malalaking alon kaya lumubog ang bangka.

Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng General Luna PNP, MDRRMO at mga mangingisda sa nasabing lugar. Nasagip ang apat dakong ala-1:00 ng hapon.

Sa bayan naman ng San Andres, bandang alas-1:25 ng hapon nang lumubog din dahil sa malalaking alon dulot ni Dante ang fishing boat na Princess Loberet.

Sakay naman nito ang apat na mangingisdang sina Lorenzo Garbo; Robert Lucero; Romart Lucero, 18-anyos; at Kent Laguartilla, 12-anyos, mga residente ng Barangay Camflora sa nasabing bayan.

Galing ang mga ito sa pangingisda sa Sombrero Island sa bahagi ng Burias Island Masbate at papauwi nang abutan ng bagyo sa may karagatan ng Barangay Talisay, San Andres dahilan para mawasak ang bangka.

Nagawa namang makalangoy ng apat patungo sa pampang ng nasabing barangay. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.