Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 barko ng PH Navy may missile na

0 47

Inihayag ng Philippine Navy (PN) na dumating na sa Subic Bay International Airport sa Bataan ang Mistral 3 surface-to-air-missile (SAM) na ikakarga sa dalawang frigate ng Philippine Navy.

Sa pahayag ni PH Navy spokesperson Commander Benjo Negranza, ang mga missle ay ikakarga sa BRP Jose Rizal (FF-150) at BRP Antonio Luna (FF-151) na may kakayahang puntiryahin ang mga target sa himpapawid.

Ayon kay Negranza, palalakasin ng mga missile ang anti-air warfare capability ng PH Navy at malaki ang maitutulong sa pagsasagawa ng mga maritime operation ng hukbo.

Nabili ang mga missile sa pamamagitan ng Frigate Acquisition Project ng PH Navy.

“This is a game changer. We are becoming modern and multi-capable,” pahayag naman ni Vice Admiral Adeluis Bordado.

Ang BRP Jose Rizal ang unang warship ng Pilipinas na puwedeng armasan ng missile. Dinala ito sa bansa noong nakaraang taon samantalang ang BRP Antonio Luna ay dumating nitong Pebrero. (Vick Aquino/Mark Joven Delantar)

Leave A Reply

Your email address will not be published.