Abante Tonite Interactive

2 bebot nalambat sa tubos ng preso

319

Swak sa piitan ang dalawang babae matapos ang kinasang entrapment operation sa Quezon City, dahil sa pangongotong umano ng mga ito kapalit ng pagpapalaya sa kaanak ng biktima.

Dakong alas-11:45 Sabado ng gabi nang maaresto sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, ang mga suspek na kinilalang sina sina Summerlyn Antonio, 28, at Myline Romero, 33.

Nag-ugat ang pagdakip sa dalawa nang humingi ng tulong sa mga awtoridad si Sheryl Ann Roldan matapos umano siyang kikilan ng mga suspek ng P30,000 kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kaanak na si alyas ‘Tomboy’ na nakulong dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga noong Abril 16.

Naibigay umano ni Roldan ang hinihingi ng mga suspek, ngunit hindi napalaya ang kaanak at humihingi pa ng P25,000 ang mga suspek.

Bukod sa kasong extortion, nahaharap rin sa kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, nang makumpiskahan pa ng dalawang pakete ng shabu na tinatayang may street value na P34,000 at drug paraphernalia.

Natuklasan naman sa imbestigasyon na ang mga naarestong suspek ay may mga dati na ring kaso ng iligal na droga at estafa sa piskalya. (Dolly Cabreza)