Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 Bilibid pugante bulagta sa engkuwentro, 1 pa tinutugis

0 149

Dalawa na sa tatlong presong pumuga sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ang napatay matapos ang patuloy na clearin­g operation ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Corrections (BuCor) at mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pasado alas-3:00 ng hapon nang maganap ang ikalawang engkuwentro umano na ikinasawi ng bilanggong si Arwin Vileza Bio, 35-anyos, ng Javier, Leyte, may kasong murder at attempted murder at may sentensyang habambuhay na pagkakakulong.

Napag-alaman na nagsasagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng Muntinlupa Police sa kahabaan ng MCX sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City patungo ng Cavite nang masabat ang suspek. Nagkaroon umano ng palitan ng putok na ikinasawi ni Bio.

Samantala, nauna nang napatay pasado alas-12:00 ng tanghali, kahapon, si PDL Pacifico Adlawan, 49, ng Tandag City, Surigao del Sur, may kasong ilegal na droga.

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, nagsasagawa ng clearing operation kahapon ng tanghali ang mga tauhan ng BuCor at Muntinlupa City police sa NBP reservation nang makitang may tumatakbong lalaki sa creek ng MCX Highway.

Agad namang itong hinabol ng awtoridad at nang makorner ay pinaputukan umano ang mga pulis at tauhan ng BuCor na namaril din dahilan ng kamatayan ng pugante.

SM food to go Banner Ad

Nakuha mula umano sa napatay na suspek ang isang 9mm na baril at mga bala nito na ngayon ay pinoproseso pa ng Scene of the Crime Operatives.

Matatandaang ala-1:20 ng madaling-araw nang makatakas ang tatlong preso ng Maximum Security Compound ng NBP.

Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap kay Drakilou Yosores Falcon, 34, ng San Miguel, Surigao del Sur, may mga kasong robbery with homicide at double murder case na patuloy na dinidinig.

Sugatan naman ang tatlong jail guard na sina CO1 Mark Joseph Dela Cruz, 29; CSO1 Angelito Marquez, 57; CO1 Jancy Dagamas, 26, at PDL Michael Dullanvin, 46, na pawang ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa dahil sa mga tama ng bala sa kanilang katawan.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Muntinlupa City Police Station, tumakas ang mga preso sa pamamagitan ng pagtalon sa gate 4 at agad umano nilang binaril ang duty guard na nagbabantay doon bago tumuloy sa gate 3 at saka binaril din ang jail guard na nagbabantay bago sila lumabas sa Sitio Magdaong, NBP reservation area. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.