Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 BIR exec tiklo sa pangongotong

0 408

Nirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa prosekusyon ang isang revenue officer at supervisor nito na nakatalaga sa Las Piñas Bureau of Internal Revenue (BIR) kasunod ng kanilang pagkakadakip sa isang entrapment operation, Huwebes ng umaga.

Nangyari ang pag-aresto sa loob ng confe­rence room ng BIR office at nasaksihan ng security guard nito at ng mga opisyal ng barangay.

Saad ng NBI-Special Action Unit (SAU), humiling si Pilipina Ocampo at ang kanyang group supervisor na si Leonides Marco ng P1 milyong cash ‘for the boys’, P50,000 na legal fees, at P500,000 na idedeposito sa Landbank at kumakatawan ng kanilang mga tax payment.

Nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo ng Sun Asia Construction and Development Corp. na inaakusahan ang dalawa ng panghuhuthot. Nagsagawa ang NBI-SAU ng imbestigasyon sa nasabing reklamo na nagresulta sa pagkasa ng entrapment operation.

Sinabi umano ng mga suspek sa construction company na kapag hindi sumunod ang huli sa kanilang hiling ay maaantala ang operasyon nito dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.

Ayon pa sa Sun Asia, nangako ang mga BIR officer na walang isasampang tax case laban sa kanila kapag binigay nila ang hinihinging halaga.

Banggit pa ng nagrereklamo sa NBI, hindi ito ang unang beses na humiling ng pera ang grupo ni Marco.

Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong robbery extortion at paglabag ng Tax Reform Act, Anti-Graft Practices at Code of Conduct for Public Officers.

Leave A Reply

Your email address will not be published.