Abante Tonite Interactive

2 budol-budol na lola humahataw sa mall

0 372

Dinakma ng mga awtoridad ang tatlong babae kabilang ang dalawang lola na umano’y miyembro ng ‘Budol-Budol’ Gang nang biktimahin ang isang ginang na bibili sana ng gamot sa loob ng isang mall sa Quezon City.

Kinilala ni PLt. Col. Romulus Ga­daoni, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6, ang nahuling sina Rochelle Aduna, 40-anyos; Shirley Ferrer, 61, at Melinda Hetiroza, 54.

Sa report, bandang alas-4:45 nang hapon (December 2) nang maganap ang insidente sa Ever Gotesco Jolli­bee sa Commonwealth Ave., cor. Don Antonio Drive, Brgy. Batasan Hills, QC.

Sa pahayag ng biktimang si Fe Palitoc, 54, housewife, biyuda, taga-Freedom Park 6, Brgy. Batasan Hills, pumunta umano siya sa mall para bumili ng gamot nang sundan siya ng mga suspek at inalok ng alahas.

Tila nahipnotismo umano siya ng tatlong suspek at napapayag na bumili ng alahas kaya siya nag-withdraw ng P30,000 sa Banco de Oro na siya sanang ibabayad sa mga pekeng alahas.

Una rito ay napansin na umano ni Rosendo Gagelonia, 48, security officer ng nasabing mall, ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek kaya sinubaybayan niya ito hanggang sa makitang kinakausap ang biktima.

Kaya nang makitang nag-withdraw sa bangko ang biktima at iaabot na ang pera bilang bayad sa budol assorted jewelries ay agad niyang dinakma ang mga suspek at itinawag sa himpilan ng pulisya. (Dolly Cabreza)