Abante Tonite Interactive

2 Cafgu member nilusob, tinodas ng NPA

252

Dalawang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) ang nasawi matapos ang ginawang pagsugod ng hindi pa batid na bilang ng pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cafgu detachment sa Maguyepyep sa lalawigan ng Abra kahapon nang umaga.

Sa ngayon ay sadyang hindi pa inilalabas ng awtoridad ang pangalan ng dalawang nasawing miyembro ng Cafgu dahil kailangan pang impormahan ang mga pamilya nito sa kanilang pagkamatay.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ni Major Amado Guiterrez, spokesman ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, alas-8:30 ng umaga nang salakayin ng hindi batid na bilang ng mga NPA ang Maguyepyep Cafgu detachment sa Brgy. Sallapadan sa lalawigan ng Abra.

Nagkaroon ng mahigit sa 30 minutong palitan ng putok ang dalawang panig bago magsitakas ang mga NPA kung saan napatay nila ang dalawang Cafgu sa labanan.

Posible din umanong may casualty sa panig ng NPA dahil sa mga bakas ng dugo sa lugar ng pinaglabanan.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng sundalo at Cafgu laban sa mga nagsitakas na mga NPA. (Edwin Balasa)