Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 chairman lagot sa ARTA

0 219

Dalawang barangay chairman sa Quezon City ang pinadalhan ng show cause order (SCO) ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang pagpaliwanagin kung bakit hinihingian nila ng vaccination card ang kanilang mga nasasakupan na humihingi ng quarantine pass na gagamitin upang makalabas ng bahay at bumili ng pangangailangan ngayong nakasailalim sa 2 linggong enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.

Nabatid na ang kopya ng mga naturang SCO ay ipinadala ng ARTA online kina Brgy. Quirino 2B chairman Ritchie Poblacion at Brgy. Central chairman Rosa Magpayo kamakalawa ng gabi.

Nauna rito, isang netizen ang nagpaskil ng video ng babaeng barangay official na tumatanggi umanong mag-isyu ng quarantine pass sa mga taong walang vaccination card sa Brgy. Central, Quezon City.

Agad itong inaksiyunan ng ARTA at binigyan ng pitong araw ang mga naturang opisyales upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na sampahan ng kasong administratibo at kriminal dahil sa naturang insidente.

Ipinaliwanag pa ng ARTA na ang direktiba ng mga naturang opisyales na i-ban ang mga residente sa pagkuha ng quarantine pass dahil sa kawalan ng vaccination card ay taliwas sa memorandum na inisyu ni Quezon City Mayor Joy Belmonte noong Agosto 1 na nagbabawal sa naturang polisiya. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.