Abante Tonite Interactive

2 Chinese kidnapper, 6 pa nalambat

0 217

Walong suspek sa kidnap for ransom na kinabibilangan ng dalawang Chinese national ang nadakip ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

Kahapon ay iprinisenta ni PNP-AKG Director Police Col. Jonnel Estomo ang mga suspek na sina Rico Castillo, 45-anyos; Christopher Bagro, 35; Nathaniel Aragon, 35; Reynaldo Parolina, 41; Francis Reyes, 41, at Melvin Culala, 39, gayundin ang dalawang Chinese national na suspek na sina Deng Shiwu, 30, at Ou Jianmin, 28.

Ayon kay Estomo, unang naaresto ang anim na Pinoy na suspek matapos kidnapin sina Eugenio Santos, negosyante, ng Brgy. Gulod, Quezon City, at Alvin Bangug, ng Parañaque City noong Setyembre 5.

Nag-ugat ang insidente matapos maipatalo sa casino nina Santos at Bangug ang P2 milyong pera nina Reyes at Culala na pangsosyo sana sa negosyong sigarilyo.

Unang kinuha ng mga tauhan nina Reyes at Culala si Santos sa bahay nito sa Quezon City bago sinunod si Bangug sa bahay nito sa Parañaque City, at dinala sa isang lugar sa Cavite. Kung hindi maibabalik ang perang kinuha nito pati tubo ay may masamang mangyayari sa kanila pati sa pamilya.

Unang humirit ng P1.8 milyon ang mga suspek at kinontak ang misis ni Santos. Sumunod ay ang P8 milyong titulo ng lupa.

Kung hindi ito maibibigay ay papatayin na ang mga biktima.

Doon na nakipag-ugnayan sa AKG ang misis ni Santos dahilan upang magsagawa ng operasyon.

Samantala, Setyembre 9 naman nang maaresto sina Shiwu at Jianmin matapos kidnapin ang kababayang sina Li Ning at Yang Yang, at ikulong ito sa kanilang kuwarto sa Okada Hotel. (Edwin Balasa)