Abante Tonite Interactive

2 Chinese kinidnap sa Las Piñas; na-rescue sa Caloocan

By
102

Dalawang babaeng Chinese national ang na-rescue ng mga ­pulis makaraang dukutin Lunes ng gabi sa kanilang bahay sa Las Piñas City at dalawang kidnapper ang naaresto samantalang nakatakas ang dalawa nilang ka­sabwat na kababayan ng mga biktima.

Base sa ulat, dakong ala-una ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag ang opisina ni Senior Inspector Eleazar Camiling, hepe ng Las Piñas Police-Criminal Investigation Division, tungkol sa insidente ng pagdukot sa mga biktima na kinilalang sina Ma Lie, 30-anyos, at Xu Gou Cong, 28-anyos, na kinidnap umano sa bahay ng mga ito sa Brgy. Pamplona 3 ng natu­rang lungsod.

Agad bumuo si Camiling ng isang grupo ng mga pulis at rumes­ponde sa lugar.

Nagsagawa rin agad ng follow-up operation ang mga pulis hanggang sa natunton ang mga biktima sa bahay ng isa sa dalawang naarestong suspek sa Bagong Silang, Caloocan City.

Nakilala ang dalawang suspek na sina Giovanni De Villa, 35-anyos, taga-Bagong Silang, Caloocan City, at Romeo Matillano, 31-anyos, taga-Santo Domingo, Nueva Ecija.

Patuloy pa ang follow-up operation para madakip ang dalawang Chinese national na sangkot umano sa kidnapping na kinilala sa mga pangalang Xiao Su at Xiao Hai.

Nabatid na nakatakas ang dalawang suspek na Chinese national sakay ng isang Toyota Grandia na may plakang VQ 9169 pero kalaunan ay inabandona ito sa isang lugar sa Las Piñas.

Patuloy pa ang manhunt operation laban sa dalawang Chinese national gayundin ang isinasagawang im­bestigasyon sa insidente ng kidnapping sa ­dalawang kababa­yan ng mga nakatakas na suspek.