Abante Tonite Interactive

2 Chinese restaurant sa Makati pinasara

422

Dalawang Chinese restaurant ang ipinasara ng Makati Business Permit and Licensing Office (BPLO) makaraang madiskubreng walang mga business permit ang kanilang mga negos­yo sa Barangay Palanan, ng lungsod.

Ayon kay Atty. Maribert Pagente, hepe ng Makati BPLO, ang dalawang establisimyento na Chinese Kit­chen at Qizixiang Laxie Food, Inc na matatagpuan sa Barangay Palanan ng lungsod ay kapwa nag-o-operate nang walang business permit.

Kamakalawa nang umaga ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng BPLO sa dalawang restaurant at natuklasang walang permit mula sa city hall ang operasyon ng mga ito.

Sinabi ni Atty. Pagente, binigyan nila ng tatlong araw ang may-ari ng dalawang establisimyento para humarap sa kanilang tanggapan at magpaliwanag kung bakit nag-o-ope­rate ang mga ito na walang business permit.

Aniya, noong nakaraang buwan, ipinasara nila ang Chinese food establishment na 6789 CWC Kitche­nette dahil sa paglabag sa sanitation standards at pag-o-operate din nang walang permit.

Idinagdag pa ng hepe ng BPLO, marami pa silang minomonitor na mga establisimyento sa lungsod na nag-o-operate na walang business permit. Patuloy pa rin aniya ang kanilang operasyon hinggil dito.

Nauna nang ipinasara ng Parañaque BPLO ang 34 na mga establisim­yento na pag-aari ng mga Chinese national matapos madiskub­re rin na walang mga business to ope­rate ang kanilang mga negosyo. ­(Armida Rico)