Abante Tonite Interactive

2 Chinese target sa marijuana garden sa San Juan

357

Target ngayon ng San Juan Police ang dalawang Chinese national kabilang ang tenant at may-ari ng apartment sa ikinasang follow-up operation matapos mabuking ang marijuana cultivation at plantation sa roofdeck ng apat na palapag na gusali sa 26 A. Rita St. Barangay Batis, San Juan City, Huwebes nang gabi.

Sa nakalap na report mula kay P/Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Aaron Huang na nangungupahan sa buong ikaapat na palapag na apartment na pag-aari ng isang Ming Uy.

Sa report, isang tenant­ ng apartment ang nagsumbong sa Brgy. Batis kaugnay sa kahina-hinalang kilos ng mga tenant sa apartment kung saan palagi umanong binibisita ng mga Chinese national.

Isa pa rito ang isyung nawalan ng supply ng tubig ang apartment at hindi nabayaran ang P6,000 na bill nito at doon na natuklasan na may nagaganap palang taniman ng damo sa apartment kaya agad na itinimbre sa Police community Precinct 3. Nang ikasa ang surveillance ay nagpositibo ito kaya ikinasa ang search warrant bandang alas-6:30 Huwebes nang gabi.

Wala ang mga tenant nang pumunta ang mga tauhan ng San Juan Police, Eastern police District sa pangunguna si Director P/BGen. Johnson Almazan at mga Taga-PDEA.

Nadiskubre sa loob ng apartment ang bulto-bultong marijuana at taniman ng high grade kush maging ang high technology na dryer na ‘di pa tiyak ang halaga.

Kaugnay nito, nakita mismo ni San Juan Mayor­ Francis Zamora ang marijuana plantation at laboratory na labis na ikinadismaya ng alkalde.
“Kalaban natin ang droga, hindi ako papayag na mayroong ganito sa San Juan,” paniguro ni Mayor Zamora. (Vick Aquino)