Abante Tonite Interactive

2 dalagang bar entertainer tiklo sa pagtutulak ng ecstasy

0 177

Arestado ang dalawang babaeng entertainer sa isang bar dahil sa pagtutulak umano ng ecstasy sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Makati City Police sa Brgy. Poblacion, Makati City kahapon.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang nadakip na sina Karylle Tecson, 32-anyos, dalaga, at Janine Sibug, 22, dalaga.

Sinabi ni Simon na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidades ng dalawang suspek na umano’y nagbebenta ng ecstasy sa iba’t ibang bar at club sa nasabing lungsod.

Agad namang nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Makati Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Jeson Vigilla dakong alas-4:30 nang hapon na ikinaaresto ng dalawa.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 10 tableta ng ecstasy nagkakahalagang P25,000 at P3,000 buy-bust money.

Nakakulong ngayon ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o comprehensive dangerous drug act of 2002. (Armida Rico)