Abante Tonite Interactive

2 dinampot sa overpriced ticket ng SEA Games

210

Dinakip ang dalawang­ scalper nang maaktuhang nagbebenta ng ‘overpriced ticket’ sa larong volleyball sa 30th Sea Games sa harapan ng Philippine Sports Complex sa Pasig City, Disyembre 5 ng hapon.

Ang mga naaresto ay sina Romeo Bunani, 45, at Ernesto Castillo, pedicab driver. Sila ay kinasuhan ng paglabag sa Article 50, 52 at 59 ng Republic Act (RA) 7394 (Consumer Act of the Philippines).

Ayon kay Pasig City Police Director Police Col. Moises Villaceran Jr., ang mga suspek ay nadakip alas-dos ng hapon sa harap ng Phili­ppine Sports Complex sa Pasig City.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta ng mga suspek ng overpriced na ticket sa volleyball sa pagitan ng Pilipinas at Thailand.

Agad namang pinakilos ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brig. Gen. Johnson Almazan ang kanyang tauhan hanggang sa maaktuhan ang mga suspek habang nag-aabutan ng ticket sa nagpanggap na bu­yer na pulis.

Nabisto na binibenta ng mga ito ang tiket sa halagang P500 gayung P50.00 lang ang orihinal na presyo nito. (Dolly Cabreza)