Abante Tonite Interactive

2 doktora na sabit sa ‘lipo’ kinasuhan na

538

Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang isinampa ng Makati City Police laban sa dalawang doktora na responsable sa pagkamatay ng isang negosyanteng ginang matapos itong sumailalim sa liposuction noong Hulyo 6 sa Makati City.

Bandang alas-dos ng hapon nang maisampa ng pulisya sa Makati Prosecutor’s Office ang naturang kaso laban sa dalawang doktora na sina Claudine Roura at Katrina Bulseco ng Contours Advanced Face and Body Sculpting sa Paseo De Magallanes.

Kinasuhan ang dalawa base na rin sa reklamo ng anak ng nasawi na si Kristina Bobadilla, 20, panganay na anak ng biktimang si Nory, 43-anyos ng tubong Villa Santa Maria, Sub., Binalbagan, Negros Occidental.

Sinabi pa ni P/Col. Rogelio Simon, kanila rin pinag-aaralan kung maisasampa din nila ang kasong malpractice sa pagkamatay ng ginang.

Aniya sa ngayon ay hindi pa nailalabas ang autopsy report ng biktima.

Ang biktima ay lumuwas ng Manila upang magpatanggal umano ng kanyang mga taba sa katawan ngunit hindi kinaya ang gamot na itinurok dito hanggang sa nawalan ng malay, na-comatose at tuluyang nasawi.

Samantala alas-10:30 kahapon nang umaga ay isinara ng mga tauhan ng Makati City Police at Business and Permit Licensing Office (BPLO) ang nasabing klinika matapos matuklasang paso na ang kanilang business permit sa Makati City Hall simula pa noong 2011. (Armida Rico)