Abante Tonite Interactive

2 estudyante hinigop ng ilog sa Benguet

316

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang estudyanteng inanod sa Balili River sa La Trinidad, Benguet kamakalawa.

Kinilala ng La Trinidad Police Station ang mga biktima na sina Harley Rufino, 15, at Romel Tadena, ng nasabing bayan.

Batay sa salaysay ng kapatid ni Harley, noong Miyerkoles ay dumaan ang mga ito sa isang tulay pauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Wangal.

“Lumabas daw sila sa bahay. Hindi ko alam kung saan sila pumunta kagabi. Nakita nung tito din namin na nakainom sila na bumaba sa may tulay, kaya ayun wala na,” salaysay ng kapatid ni Harley na si Jaser.

Patuloy sa paghahanap sa kanila ang mga awtoridad at ilang volunteer pero aminado ang mga ito na nahihirapan sila sa sitwasyon sa katubigan.

Umaasa naman ang mga pamilya ng dalawang estudyante na buhay pa ang mga ito. (Allan Bergonia)