Abante Tonite Interactive

2 ex-NCAA star future ng Gilas

348

Ray Mark Patriarca

‘Di biro ang makapasok sa pool ng Gilas Pilipinas sa daan-daang manlalaro ng pro league, iilan lang ang nabibigyan ng tiyansa na marepresenta ang bansa sa mga international competition.

Iba’t ibang timpla na ang sinahog sa PH national team, sa una ay puro batang kakagaling sa collegiate tournament.

Hanggang sa makakuha ng NBA-caliber player sa katauhan ni Andray Blatche para ibandera ang Gilas jersey.

Ilang mga dating manlalaro na rin ang nagretiro sa international play, isa na rito ang kilala ‘di lang sa bansa kundi sa buong Asya na si Jimmy Alapag.

Ngayon ay nagpapahiwatig ang pinasahan ng baton na si Jayson Castro.

‘Di matatawaran ang ginawa ng dalawa para sa national team, pero walang ibang magagawa kundi mag-move on para ipagpatuloy ang pag-angat sa international basketball ranking ng ‘Pinas.

Ngunit sino ba ang pwedeng ipalit kay Castro na pinangalanang ‘best point guard in Asia’ ng dalawang beses?

Kung titingnan ang pool ngayon, lutang ang talento nina Paul Lee at Mark Barroca na posibleng maging susunod na lider ng PH Nationals sa international tourneys.

Pero ‘di na rin pabata ang dalawa, bilang na rin ang internationals na pwede nilang salihan.

Entra sa eksena ang ilang mga young blood na gumagawa ng ingay sa PBA.
Sina CJ Perez at Robert Bolick, na kapwa pasok sa top 10 scorer ng kasalukuyang conference kahit mga rookie pa lang.

Kung titingnan, ‘di masyadong hitik sa star ang liga, mas pinapahalagahan ang team scoring kaysa isa lang ang magningning.

Ngunit sa pagpasok ng 2019 top 3 rookies, kasama si Ray Parks, tila bumabalik ang mga local volume scorer na makakatulong sa international tournament.

Mahalaga ang isang go-to guy sa isang koponan, maging sa national team.
At posibleng isa sa dalawang dating NCAA star ang maging susunod na hiyawan sa Fiba.