Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 ex-Oriental Bank exec 19 taon kalaboso sa P159M estafa

0 98

Hinatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 42 ang dalawang dating opisyal ng sarado nang Orient Development Banking Corporation ng apat hanggang 19 taon na pagkabilanggo para sa pitong kaso ng estafa na nagkakahalaga ng P159 milyon sa mga deposito sa bangko.

Ayon sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), inutos din ni Presiding Judge Dinna C. Aguila-Topacio na ilagay sa hold departure order sina dating Orient Bank president Jose Go at si dating vice president Aida dela Rosa para hindi na sila makatakas sa bansa.

Sabi ng PDIC, inutusan din ng korte na bayaran nina Go at Dela Rosa ang PDIC ng P159 milyon.

SM food to go Banner Ad

Ayon sa PDIC, ginamit kasi nina Go at Dela Rosa ang kanilang posisyon sa bangko para pautangin ang ilang mga kompanya at mga tao na ikinalugi naman ng mga depositor nila.

Sabi ng PDIC, natanto ng korte na nagkuntsaba umano sina Go at Dela Rosa para ipalabas na nagpautang ang Orient Bank sa pitong magkakaibang kompanya o tao ngunit hindi naman nangutang sa bangko ang mga ito. Ang pera sa pautang ay napunta sa account ni Go at kanyang mga kompanya.

Ayon sa PDIC, ang P159 milyon ay bahagi ng P4.95 bilyong pera ng mga depositors na inilagay sa mga account ni Go sa iba’t ibang paraan mula Hulyo 1996 hanggang Disyembre 1997. Ipinasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Orient Bank noong 1998 at inatasan ang PDIC para maging receiver nito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.