Abante Tonite Interactive

2 Hapon, 2 Pinoy sabit sa mail order bride

By
1,317

Arestado ng pinagsanib na tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Manila Police District (MPD) ang isang Japanese national matapos ituro ng isang babae na sangkot sa mail order bride, kamakalawa sa Malate, Maynila.

Nabatid na unang pinigil ng Bureau of Immigration (BI) na makalabas sa bansa papuntang Japan si Maria Therese Kyla Serafico noong Hulyo 22 kung saan ginamit nito para makalabas ng bansa ang pekeng marriage certificate na ibinigay sa kanya ng suspek na si Jiro Sato, alyas Saito San at Ken Suzuki para palabasin na ikinasal siya kay Atsushi Takashi noong Abril 6, 2018.

Nang makumpirma kung nasaan si Sato, dinakip ito noong Hulyo 24 sa Dexdan Travel Consultancy Service sa Malate.

Idinawit rin ni Serafico ang mag-asawang Takashi at Nancy Gisano, may-ari ng isang club sa Japan at isang Angelica Hernandez na kanya sanang pupuntahan para maging isang entertainer.

Nalaman na para makalabas ng Pilipinas, ginamit nito ang pekeng marriage certificate para payagan siya ng BI na makalabas sa bansa pero nang rebisahin ng ahensiya ang dokumento, nalaman na ito ay peke at ang edad ni Serafico at pangalan ay hindi nagtutugma sa kanyang pasaporte.

Sinampahan ng NBI ng kasong human trafficking sina Sato, Takashi Gisano, Nancy Gisano at Hernandez.