Abante Tonite Interactive

2-in-1 Ilagan trackfest papailanlang ngayon

178

Bago sumalang sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre ang national tracksters, tatakbo muna ang mga ito sa 14th Southeast Youth Athletics Championships at 2019 Phi­lippine National Open Athletics Championships na bubuksan ngayon sa Ilagan City, Isabela.

Masasaksihan ang mga junior Filipino athlete na kakasa sa mga pambato ng Thailand, Vietnam, Timor-Leste, Cambodia, Myanmar, Indonesia, Malaysia, Brunei, Singapore at Laos sa Ilagan Sports Complex.

Ito na ang ikalawang beses na magho-host ang Ilagan ng apat na araw na SEAYAC na papaimbulog hanggang Marso 5 at babalangkasin ng Philippine Athletics Track and Field Association sa liderato ni Dr. Philip Ella Juico.

Makikipagsabayan naman ang mga elite Pinoy track & field athlete sa Mar. 6-8 na PH Nat’l Open tampok sina Fil-Ams sprinter Eric Cray, Kristina Knott, Kyla Ri­chardson, Kayla Ri­chardson, Zion Corrales at Robyn Brown,

Papakitang-gilas din sina pole vaulters Nathalie Uy at Alyanna Nicolas at middle distance runner Carter Lily.

Magsisilbing preparas­yon ang 2-in-1 meet ng Nationals para sa Asian Youth Championship sa Mar. 15-17 sa Hong Kong at sa SEA Games sa ‘Pinas sa Nobyembre 30-Dis­yembre 11.

“The Asian Youth in Hong Kong is on March 12 to 15 and many of our neighbors are preparing for this. That’s why many countries have athletes who are going there (in Ilagan) before they go home in preparation for the SEA Games,” pahayag kahapon ni Juico.