Abante Tonite Interactive

2 kapitan kinastigo ng DILG

212

Pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dalawang barangay chairman sa Alaminos City, Pangasinan kung bakit nila hinarang ang ilang proyektong pang-barangay.

Inutusan ni DILG Undersecretary for ­Barangay Affairs Martin Diño sina Barangay Chairman ­Leonesa Mendez ng Sta. Maria at Barangay Chairman Raul Bacay ng Lucap, parehong barangay ng Alaminos City, Pangasinan, kung bakit hinaharangan nila ang mga proyektong pang-barangay ng mga orga­nisasyong hindi nila kaalyado.

Nauna rito, nagreklamo si Mark Anthony Tuazon, 51, na dahil sa sira-sira nilang kalsada, nangalap sila ng mga donasyon upang ito ay maipagawa. Subalit nang i-deliver na ng trak ang mga semento, ito ay hinarang ni Chairman Bacay at sila’y pinagmumura habang nakahawak sa sukbit niyang .45 baril.

Sa kabilang dako naman, inireklamo rin ni ­Emily Carolino si brgy. chairperson Mendez ng Sta. Maria dahil sa kanyang pagtangging ipagamit ang plaza ng barangay para sa Kalusugan Caravan. Ito umano sana ay para sa libreng medical at dental consultations, libreng mga gamot, libreng minor operations para sa mga mamamayan, subalit ito ay pinigilan ni kapitan dahil hindi sila ka-alyado.

Ayon sa liham ni Usec. Diño, kailangang sagutin kaagad ng dalawang kapitan ang nga reklamong abuso sa kapangyarihan at pagtangging mag-issue ng barangay permit.

Ang dalawang kapitan ay kaalyado ni Alaminos City Mayor Arthur Celeste na tumatakbo ngayon sa pagka-gobernador ng lalawigan ng Pangasinan, na lumalaban sa kasalukuyang gobernador na si Gov. Amado “Pogi” Espino.