Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 kasabwat sa Masbate masaker nasakote

0 110

Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang tatay at tiyuhin na mga kasabwat ng isang binatilyo sa pagnanakaw at pagpatay sa kapitbahay nilang pamilya sa Baleno, Masbate.

Kinilala ang mga suspek na sina Deonilo Rabino, tatay, at Rowel Rabino, tiyuhin ng 16-anyos na suspek na naunang nadakip ng pulisya, pawang residente ng Brgy. Tinapian.

Si Deonilo ay inaresto sa kanyang pinagtataguan sa Sitio Gold-Bug, Brgy. Syndicate, Aroroy, alas-11:30 kamakalawa ng umaga, habang si Rowel naman ay naaresto sa Brgy. Capsay, Aroroy alas-6:30, kamakalawa ng gabi.

Base sa salaysay ng binatilyong salarin, ang kanyang ama umano ang nagplanong nakawan ang bahay ng mga biktima, kasama ang kanyang tiyuhin noong Sabado ng gabi.

Sa likod-bahay sila dumaan upang makapasok sa tahanan pero habang kinukuha nila ang cellphone ng isang dalagitang biktima ay nagising ang nakababatang kapatid nito na agad sumigaw at nagpasaklolo kaya agad itong sinaksak nang dalawang beses ni Rowel.

Nagising ang iba pang nasa bahay sa komosyon dahilan upang pagsasaksakin at pagtatagain ng mga suspek ang lahat ng miyembro ng pamilya.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jennifer Adique, 40; Adela Cortes, 67; Jesus Adique, 70; Joyce Albis, 17; at Kristille Albis, 14. Nagpapagaling naman sa ospital ang sugatang si Angel Albis, 13. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.