Abante Tonite Interactive

2 kasambahay naloko ng dugo-dugo gang, pinakulong

379

Nawalan na ng trabaho nakakulong pa ang dalawang probinsyanang kasambahay matapos ireklamo ng kanilang amo nang maloko umano ang mga ito ng Dugo-Dugo gang sa Malabon City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang mga kasambahay na sina Michelle Sumayang, 19, at Stephanie Entoy 18, stay-in sa bahay ng kanilang amo na si Susan Lim, 58, sa naturang lungsod.

Sa imbestigasyon ni PS/Sg. Philip Cesar ng Malabon City Police, bandang alas-9:00 nang gabi may dalawang la­laki na tumawag sa telepono sa bahay ni Lim.

Si Sumayang umano ang nakasagot at sinabihan ito ng caller na nabangga ng sasakyan ang kanilang among babae.

“Inutusan daw yung dalawang katulong na kunin ang mga alahas ni Mrs. Lim na nakalagay sa drawer,” sabi ni PS/Sg. Cesar.

Umabot sa mahigit P1 milyon ang halaga ng mga alahas at inutusan ang dalawang kasambahay na dalhin sa Brgy. Potrero, Malabon.

“Nung makuha daw yung mga jewelries nung dalawang lalaki, pinauwi na ang mga katulong,” ayon kay PS/Sg. Cesar.

Laking gulat na lang umano ni Lim pagda­ting nito sa bahay nang malaman na nawawala ang kanyang mga alahas.

Matapos i-review ng ginang ang CCTV na naka-install sa loob ng bahay, nakita nito ang ginawang paghahakot ng dalawang katulong sa kanyang mga alahas.

Dahil dito, kinasuhan ni Lim ng qualified theft ang dalawang kasambahay at malaki ang hinala ng ginang na kasabwat umano ang mga ito ng dugo-dugo gang.

Nabatid na wala pang dalawang buwan na namasukan ang dalawang kasambahay sa pamilya Lim. (Orlan Linde)