Abante Tonite Interactive

2 katulong timbog sa sideline na droga

400

Arestado ang dalawang kasambahay matapos mabuking sa pagtutulak ng shabu sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Tumana, Marikina City.

Sa report na nakalap sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na sina Alvin Dela Cruz y Espiritu, 35, helper at Maria Ramirez y Poblete, 37, housemaid, kapwa taga-Farmers 1, Brgy. Tumana Marikina City.

Ayon kay P/Col. Redrico Maranan, hepe ng Marikina Police, isinagawa ang operation alas-11:30 Biyernes nang gabi sa labas ng tinitirhang bahay ng mga suspek nang makipagtransaksyon si Dela Cruz sa isang pulis na umaktong buyer.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet na naglalaman ng shabu at P500 bill na ginamit bilang buy-bust money bukod pa sa P3,100.00 na nakuha mula sa suspek.

Nakakulong ngayon ang dalawa sa Marikina PNP detention cell at kapwa nahaharap sa kaukulang kaso. (Vick Aquino)