Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 kawatan ng motor timbuwang sa pulis

0 245

Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang karnaper ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga pulis nang sitahin sa dalang motorsiklo na una nang na-report na kinarnap, kahapon ng madaling araw sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District Director, Police Brig. Gen. Danilo Macerin ang mga suspek na nasa edad 30-35-anyos, naka-gray long sleeves at black pajama at isang nasa 40-45-anyos, naka-black long sleeves at striped black pajama na may tattoo na “Antonio”, “Heart” sa dibdib at “Bart” sa likuran. Nakatakas naman ang dalawang kasabwat nito.

Naganap ang insidente alas-2:30 Sabado ng madaling araw nang dumulog sa Novaliches Police Station (PS 4) ang biktimang si Mary Grace Jarqiou, nang agawin ng mga suspek ang kanyang Yamaha Aerox motorsiklo sa may Goodwill Avenue, Barangay San Bartolome.

Ayon sa biktima, nilapitan siya ng mga suspek at tinutukan ng baril sabay agaw ng kanyang motorsiklo.

Agad na nagsagawa ng follow-up at dragnet operation ang mga tauhan ng PS-4 at namataan ang dalawang suspek na sakay ng orange na motorsiklo. Nang sitahin ay agad nagpaputok ng baril na nauwi sa barilan at pagkamatay ng dalawang suspek.

Nakuha sa crime scene ang isang caliber .38 revolver na may 4 cartridge cases at 1 fire cartridge case, isang caliber .38 revolver, drug paraphernalia, apat na sachet ng shabu, 5 bala ng 9mm fired cartridge at ang Yamaha Aerox motorcycle. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.