Abante Tonite Interactive

2 kidnapper timbuWang sa rescue

408

Bulagta sa kalsada ang dalawang lalaki na sangkot sa kidnapping ng isang mag-asawang negosyante nang manlaban sa isinagawang rescue operation ng mga pulis sa Antipolo City Sabado nang madaling-araw.

Ayon sa ulat, naganap ang kidnapping bandang alas-11:45 Biyernes nang gabi sa La Veranda sa Sumulong Highway, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City kung saan hinarang ng apat na mga armadong suspek ang sasakyan ng mag-asawa.

Sadyang hindi na lang pina­ngalanan ang mag-asawang residente rin sa nasabing lungsod para na rin sa kanilang seguridad.

Isang nakasaksi sa pangyayari ang agad nag-report sa Antipolo City Police at sinabing patungo ang mga suspek sa Baras, Rizal dala ang mag-asawa.

Ayon kay Antipolo City Police chief Lt. Col Alvin Ruby Consolacion, humihingi ng ransom ang mga suspek sa kaanak ng mga biktima.

Agad naglatag ng mga checkpoint ang mga awtoridad sa posibleng dadaanan ng sasakyan ng mga suspek hanggang sa mamataan ang mga ito nang dumaan sa Marcos Highway sa Brgy. Inarawan bandang alas-3:15 Sabado nang madaling-araw.

Pero sa halip na huminto ay dumiretso pa ang sasakyan ng mga suspek at nagpaputok ng baril kung kaya’t hinabol sila ng mga pulis.

Sa gitna ng palitan ng putok ay tinamaan ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan.
Ligtas namang nabawi ang dinukot na mag-asawa.

Nakasuot umano ng police uniform ang dalawang napatay na suspek.

Ayon sa pulisya, ninakaw lang ng mga suspek ang sasakyan na ginamit sa kidnapping kung saan narekober sa loob ang isang shotgun, baby armalite, dalawang pistol at ilang police uniform.

Patuloy pa ang follow-up investigation ng pulisya para makilala ang dalawang napatay na suspek.

Nabatid pa na isinagawa ang rescue operation ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, Antipolo City Police, at Highway Patrol Group. (Vick Aquino)